Reader Advisory

Some articles posted in the blog site may contain themes and languages which may not be appropriate nor appealing to other readers.

READER DISCRETION is advised.

Thursday, April 11, 2013

Sa Ngalan Ng Kapangyarihan…


2:04:19 AM | 4/11/2013 | Thursday

Ikaw, Ginoong Juan dela Cruz, ano ang kaya mong gawin sa ngalan ng kapangyarihan?  Ano o anu-ano ang mga kaya mong hamakin, makamit mo lang ang inaasam na pwesto sa gobyerno? Bakit ikaw ang dapat naming ihalal, may ipapakain ka ba sa amin pag ikaw ay aming nilagay sa balota?

Ang dami kong tanong, no? Akala mo ang daling sagutan. Pustahan, kelangan mo ng sandamukal na mabulaklak na salita para lang maka-iskor sa aming boto. At kailangan mo ng mga abugago, este, abugado para lang pabulaanan ang mga interogasyon ko.

Pero ano nga ba talaga ang gagawin mo para manalo ka? Ano ang hahamakin mo sa ngalan ng kapangyarihan?


Sa ngalan ng kapangyarihan, makikipagsabayan ka ba sa agos ng karamihan? Na nalunod na sa ilog ng sistemang kabulukan at sa dagat ng basurang kung tawagi’y “pulitika?” Oo, sadyang marumi ang pulitika sa ating bayan, mula sa kampanya hanggang sa bilangan; mula sesyon hanggang proyekto. Wala nang pinagkaiba.

Sa ngalan ng kapangyarihan, makikipagpatayan ka ba? Kikitil ka din ba ng buhay ng mga taong nagsisilbing balakid sa daanan mo? O buhay ng may buhay? Aba, nakakalimot ka yata na hindi ikaw ang nagpakalaki sa kanya kaya wala kang karapatan na patayin siya. Gunggong!

Sa ngalan ng kapangyarihan, gagamit ka ba ng dahas? Kung hindi ka nga papatay, pero manghahamak ka naman ng buhay ng iba? Ano pang pinagkaiba mo sa mga bwakananginang iba dyan na may pera’t sandata lang e ang lalakas na ng loob na manindak sa mga kababayan?

Sa ngalan ng kapangyarihan, maninira ka rin ba sa kapwa kandidato mo? Mula sa pagtanggal ng poster ng iba (at tatapalan ito ng makapal mong mukha), hanggang sa siraan sa ere (grabe kayo ha, hindi na kayo mga bata para magsiraan sa telebisyon, radio at harap ng publiko)

Sa ngalan ng kapangyarihan, tatahak ka rin ba sa landas nila o gagawa ka ng sarili mo? At wala kaming pakialam kung matuwid yan o may kurbada. Ano ang pinagkaiba mo sa ibang mga nilalang na tumatakbo sa darating na eleksyon?

Sa ngalan ng kapangyarihan, ano ang igaganti mo sa amin kapag binoto ka namin? Magkakaroon ba kami ng pagkain sa aming hapag-kainan? Magkaka-ipad ba kami o panibagong cellphone? Pero hindi ito usapin ng pagbili ng boto. Ang punto ko lang naman ay gaganda ba talaga ang buhay naming kapag ikaw ay aming hinalal sa makintab na upuan na iyan? Aasenso ba tayo dyan pag ikaw ang gagawa sa lamesang yan, o magmumukmok ka lang dyan, matutulog at nga-“nganga” lang?

May panahon pa para patunayan mo ang sarili sa amin. Hindi mo kelangang magsalita agad dahil hindi kami naniniwala sa mga tulad ng mga kabaro mo na nagsasalita nang patapos. Hindi ko kelangan ng salapi para lang masabi mo na tinulungan mo kami. Hindi ko kelangan na magmudmod ng mga makamundong bagay kung pasimpleng gahaman ka naman.

Pag-isipan mog mabuti yan, para mapaniwala mo kami na malinis ang intensyon mo.

Uulitin ko ang tanong, Juan Dela Cruz…. Ano ang hahamakin mo sa ngalan ng kapangyarihan?

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...