Reader Advisory

Some articles posted in the blog site may contain themes and languages which may not be appropriate nor appealing to other readers.

READER DISCRETION is advised.

Thursday, September 27, 2012

Silang mga balasubas…


Tila hindi na sila mawawala sa sistema. Kumbaga sa sakit, pang-terminal na ito. Parte na kasi ito ng pang-araw-araw na buhay ng ilan. Hindi na bago ang mga pangyayari dahil noon man o ngayon, nariyan pa rin ang mga taong ito. Sa ngalan ng material na yaman, manlalamang sila, at minsan pa nga e handang makipagpatayan makuha lang ang mga bagay na tutugon sa kanilang mga halang na sikmura, isipang kinakalawang at pusong mas matigas pa sa pader na gawa sa  pinaghalong semento at bakal.

Sa kada pagkakataon ng pakikipagsaparalan ko sa lungsod, nakikita ko ang mga ito. Akala mo mga patpating tambay, yun pala ay magnanakaw ng pitaka. Sa kalye man o sa mala-Sardinas na pampasaherong sasakyan, umaatake sila nang hindi mo nalalaman. At ika nga ng kasabihan, “malalaman mo lang ang halaga ang isang bagay kapag wala na ito…” sa tabi mo. As in literal.

At sa gabi naman, ang akala mong simpleng madilim na espasyo, may kahiwagaang nagaganap. Dalawang bagay lang, may naglalampungang mga puta o may tumitimbreng kawatan. Mga nag-aantay na may mabiktima. Kapag pumalag, patay na kung patay. Parang hindi man lang naisip ng mga ito kung gaano kahirap ang bumuhay ng isang tao tapos kikitilan na lang sa isang iglap gamit ang makalawang na lanseta o ng tinggang may pulbura.

Sa kabilang dako naman, malulutong na murahan ang eksena. May kamuntikan na magbanggaan kasi na mga sasakyan sa isang interseksyon doon. Hindi pa nakuntento, nagmaanagas pa ang parehong kanto sa gitna ng kalye. Ay, kasarap sagasaaan ang mga bwakananginang mga ‘to. Pwede bang magsitabi kayo? Hindi lang kayo ang hari ng kalsada, alam nyo po.

Sa simpleng pagpila nga lang e pakapalan na ng mukha, makasingit lang. Kapag sinita mo, wala! Babaligtarin ka pa. Ikaw pa ang maeechepwera. Mas makapal pa sa isang ream ng papel ang mga pangit na pagmumukha nila.

Yung mga taong gumagawa ng tama sa lipunan ngayon, ewan ko kung bakit pa sila pa ang mas naagrabyado? Kung bakit sila pa ang mas hindi nagagantimpalaan? Ang simpleng pamamaraan yata na magsabi nga lang ng katotohanan e pinapatay na, kung hindi man e hinaharass. At ang mga tumatanggap ng lagay dyan e sila pa ang mas nangingibabaw. Sabagay, pera-perahan e. Samahan mo pa ng palakasan sa tao. Ang magandang budhi sa panloob at panlabas na anyo? Asus, asa.

Kaya minsan, hindi ko masisisi ang mga taong pumili na tumahimik na lang at maging pipi’t bulag na saksi sa mga kaganapan. Mga lumugar sa “walang pakialam,” kahit ang ilan sa kanila ay ilang beses na binabastos, sa likuran man o harap-harapang ginagawa.

Ang buhay kasi ng isang tao ngayon ay nakadepende na sa diskarte nito. Kapag wala siya nito, ano na lang ang kakainin niya pagdating na lang ng dapit-hapon?

Author: slickmaster | Date: 09/27/2012 | Time: 10:23 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...